Estudyante blues

    Tapos na ang sem pero ang laki ng iniwang aftershock ng final week, lalo na sa eyebag ko. Ikaw ba naman mag puyat kaka basa e. Pero ito lang ang masasabi ko, kahit gaano ka stress sa school, may mga bagay pa rin na magpapasaya sa’yo. Gan’on naman ang buhay. Minsan masaya, minsan nakakainis. At hetong mga ‘to ang iba’t ibang nalaman at naranasan ko last sem;

1.) Pag nagkayayaang kumaen, mag tatalo talo kung saan kakaen at kung anong oorderin.

2.) May kaklase kang nagiging transformer sa text:
“San ka na?”
“MRT na’ko”
“Naks transformer”.

3.) May mga prof na uubusin pera mo sa dami ng pinapa photocopy.

4.) Mapapadasal ka na sana ‘di matawag ang pangalan mo sa recitation. Lalo na kung ‘di ka nag review at masungit ang prof.

5.) May kaklase kang mahilig mag crossover sa harap mo kahit walang bola.

6.) May kaklase kang hanggang pwet na yung bag.

7.) May mga prof na ang gagaling mag bigay ng mababang grade pero ‘di naman nag tuturo.

8.) Hindi nasusunod yung rules na 5 absent drop. Dahil mas madalas pang umabsent ang prof.

9.) May mga driver ng jeep na kupal at hindi nag susukli ng tama kahit ipagdukdukan mo pa sa mukha niya yung i.d mo.

10.) Sa math, mapalingon ka lang di muna masusundan ang formula.

11.) Pagtapos ng class, lalo na pag maaga ang uwian. Gala mode.

12.) May mga minor subject na feeling major.

13.) Pag Civil engineering/Architech ka, palaging tanong sa’yo “Magaling ka mag drawing?” or “Edi magaling ka sa math?”.

14.) Pag I.T ka or CS, ang tanong naman ay “Marunong kang manghack? hack mo naman wifi ng kapitbahay namin”.

15.) May mga subject na required ang libro pero ‘di naman ginagamit.

16.) Nakakaboring mag seminar.

17.) ‘Twing malapit na mag exam, laging may namimigay na free sample ng shampoo, vitamins at deodorant sa harap ng unibersidad.

18.) May mga buraot pa rin ng papel.

Advertisements

Ang tunay na tagumpay

      Sa kalye papasok sa looban kung saan ako nakatira, may limang magbabarkadang nag iinuman. Yung isa nakasalampak na sa lamesa, lasing na at may kornick pa sa tenga. Papaalis ako ‘non para pumasok na sa school nang harangin ako ng pasimuno, si Rosana. Babae pero sing katawan ni Arnold swachi.. a ewan arnold nalang, basta arnold. Inalok niya ako ng tagay, tinanggihan ko. Tapos humirit nalang siya ng pandagdag sa pamibiling alak. Dahil mabait ako, inabot ko yung sobrang sampumpiso sa pamasahe ko. Tuwang tuwang bumalik sa kinuupuan si Rosanna para makipag tagisan ng tibay ng atay sa mga kainuman. Lumakad nako papasok ng eskwelahan.
     Pagbalik ko bandang hapon, tuloy pa rin ang kanilang inuman. Parang wala na atang talab yung iniinom na Gin. Napadaan ako’t hiniritan nanaman ni Rosana, nag abot ako ng limang piso at lumakad pauwi.
     Kinabukasan. Sa kalyeng ‘yon, may apat na lalaking naka handusay sa sobrang kalasingan at may kornick sa tenga na nilalagay ni Rosanna sa mga napapabagsag niya sa inuman. Si Rosanna, parang.hindi nalasing, tuloy pa rin sa pag inom ng gin habang tinatawanan ang mga kainuman. Si Rosanna na may lolang el shadai.

Dito po sa amin, baley na Calasiao

Nagkatay ng baboy si papang para ipanghanda sa pista. Di ko alam kung masasayahan ako o magagalit dahil ayun yung alaga kong baboy na pinangalanan kong dorothy bago ako lumuwas ng Maynila para mag aral ng Civil Engineering. Sa labas ng bahay, naghihiwa ng gulay na pang sahog ang magkapatid na sina Hanabishi at Kyowa. Oo magkapatid na ipinangalan sa Appliances. Akala siguro ng tatay nilang si Mang Esteban na pangalan ng anime ‘yon. Bihira lang kasi ang may telebisyon dito dati nung di pa nauuso yung internet at di pa pinandidirian ng mga snatcher yung Nokia.

Sa bandang kalsada, nakita ko naman si Karla na tumutulong magkabit ng bandiritas. Si Karla na diyosa sa paningin ko. Tinutulungan niya yung tatay niyang si Mang Esteban na nagsasabit ng bandiritas sa mga dingding ng bahay. Minsan iisipin mo na ampon niya lang si Karla dahil ‘di niya hawig. Pero nung nakilala ko yung Asawa ni Mang esteban na Canadian Citizen, e makukumbinsi ka na sa mama niya lang talaga nag mana. Paglakad ko bigla akong binati ng kapit bahay namin at inabutan ng isang basket na gulay, iabot ko daw kay papang. Ganito sa probinsya bigayan. Walang inggitan. Sabi nga, kung di ka mapili sa kakainin, di ka magugutom dito. Ayaw lang ng mga tiga maynila sa probinsya dahil malayo sa Megamall at tatawid ka pa ng bundok para makasagap ng free wifi at free data.

Umupo ako sa isang maliit na silya na gawa sa kawayan. Nagulat ako ng may nagsalita sa likod ko. “Huy, manila boy. Nang iinsab ka na aa.”. Si Karla, may dalang dalawang tasa ng kape. “O, tara kape tayo”. Inabot niya sakin yung tasa. Natuwa ako. (Di joke lang kinilig talaga ako.) Humigop siya ng kape pagtapos ay nagtanong.

“Sarag toy mantepet?”

“Oo naman”.

“Kumusta ka sa maynila?”.

“aaa… ayos lang. Masaya”.

“Aa kaya pala nakalimutan mo nakong kumustahin e.”

“Ha!? di aa. Masaya pero mas masaya dine. Lalo na pag kasama kita”.

Bigla siyang ngumiti tapos nag salita.

“Buhusan kaya kita ng kape diyan, nambola ka pa. Utut mo!”

Nagtawanan kami ng malakas tapos biglang tahimik. Matagal bago siya nakapag salita uli.

“Madaming magagandang babae ‘dun”.

‘Di ko alam ang isasagot ko. Bigla niyang sinundan ng, “Pero may tiwala ako sa’yo”. Sabay dantay sa balikat ko. Matagal din bago kami nag kita muli. Ilang buwan. Akala ko nga ipinagpalit niya na’ko. ‘Di pala. At ngayon nawala ang stress na gawa ng school life dahil katabi ko na muli ang babaeng nagpapawala ng lahat ng pagod, sakit at insecurites ko sa katawan. Alam kong ilang buwan nanaman kaming ‘di magkikita dahil maigsi lang ang bakasyon. Pero sa ngayon. Eenjoyin ko muna. Tinignan niyako sa mata sabay sabing;

“Inaro ta ka.”.

Sinagot ko siya ng “I love you too”.

Lumabas si Papang, may dalang platito na may lamang mechado. “Hoy! lovers in paris, mamaya na yang moment niyo tikman niyo muna ‘tong niluto ko”. Inilapag ni Karla ang tasa ng kape at inabot ang platito tapos sumandok ng konti at isunubo sakin. “Ano masarap?” Tanong ni Karla at ni Papang. Mangiyakngiyak ako sa inis dahil ang sarap ng luto ni papang sa alaga kong baboy na si Dorothy.

Sino ba ang may sakit? Ako o yung bansa?

Sabi dati sa commercial ng vitamins “Bawal magkasakit”. Siguro tama sila, lalo na kung ‘di ka naman mayaman at wala kang perang pantakbo sa Saint Luke’s. Sa panahon kasi ngayon kung saan taon taon nalang ata may nauusong bagong viru,s lalong nawawalan ka ng karapatang magkasakit. Ang hirap na nga ng buhay ginagamit pa pang sarili ng mga nasa gobyerno yung perang laan sana sa mga proyektong pangkalusugan.

Last year lang ng ibalita sa T.V ang pagtaas ng bilang ng mga na dedengue-kasama ako sa bilang na ‘yon. Dito ngayon pumapasok ang maikling kwento ng aking karanasan sa sakit na ‘yon at sa ospital na pinagdlahan sakin. Umaga ‘non nang parang mawalan ako ng ganang kumain. Tumamlay din ang katawan ko at minsan nangangatog sa ginaw kahit mainit naman yung panahon. Nung una, akala ko trangkaso lang dahil sabi ng expert kong kapitbahay, ganon daw pag trangkaso. So pinabayaan ko ng isang araw. Hanggang sa manghina na talaga yung katawan ko na hindi nako makatayo ng maayos dahil sa hilo at taas ng lagnat. Hanggang sa isang araw pagtapos kong isuka yung kinain kong spaghetti, bigla nalang nag black out yung paningin ko at bumagsak sa sahig. Pag gising ko, nakahiga nako’t naka dextrose sa isang pampublikong ospital sa lungsod namin. Itong ospital din na ‘to ang pinagdalhan sa namayapa akong ama, tiyahin, tiyuhin at lola.

Ilang minuto palang sa loob ng emergency room, parang gusto ko nang umuwi o mag palipat sa ibang ospital. Nakakatakot makakita ng mga ipinapasok sa loob ng ER na naghihingalo o naliligo sa dugo. Tapos yung mga staff ng ospital parang ‘di sila iniintindi. Yung isang itinakbo tinakpan lang ng kumot kasi wala naman yung kamag anak. ‘Di ka rin papansinin kung wala kang pambiling gamot.

Ilang oras pa ang lumipas, inakyat nako sa ward para obserbahan daw pagtapos kunan ng dugo. Ilang kama lang ang pagitan, may isang dengue patient din dun ang naka confine. Kung ano ano yung itinuturok ng duktor. Kinabukasan, yung pasyenteng ‘yon ‘di na maganda yung kalagayan. Sinabi pa ng duktor na ilipat nalang daw sa ibang ospital dahil mas gagaling daw ‘don. Nakakadurog ng puso makakita ng magulang na umiiyak dahil alam nilang sobrang nahihirapan ang anak na naka life support nung mga oras na ‘yon. Nung araw ‘din na ‘yon nagpalabas nako ng ospital at nagpalipat sa mas maayos na ospital kahit may kamahalan ang bayad.

‘Di ko lang maintindihan na sa hinaba haba ng termino ng mga nagdaang namumuno, e hindi pa rin nasusulusyunan ang kakulangan ng pondo sa mga pampbulikong ospital. Marami sa mga mamamayan natin ang nagkakasakit, marami sa kanila ang walang kakayahang bumili ng mamahaling gamot, marami sa kanila ang di nakakaranas mag pa check up isang beses isang buwan at marami sa kanila ang namamatay dahil dito.

Chicharon: Mamantikang pag-ibig

IMG_0126.JPG

Gumagawa ako ng assignment habang kumakaen ng chicharon. Ala una na pero gising na gising pa rin ang mata ko. ‘Di ko alam kung may kemikal ba ‘tong chicharon na gaya ng nasa kape at bakit parang mailap ang antok sakin ngayon. Wala naman akong insomnia. Ang alam ko, nagkakaron lang ako ng insomnia kapag hindi pa pinapatay ng kapitbahay yung wifi nila at maniwala ka sakin, ‘di ako nag da drugs.

Anyway, dati nung elementary ako, suki ako ng chicharon na nabibili sa tindahan at nakabalot sa plastic na may drawing na mojacko. Sabi ng erpat ko dati, chicharong kalabaw daw ‘yon. Galing sa balat ng kalabaw na pinirito hanggang ma toasted at maging chicharon. Lagi naming pinag tatalunang mag ama kung kalabaw ba talaga ‘yon o baboy. Pero marami palang chicharon sa mundo may chicharong baka, bulaklak at manok at karamihan sa kanila, nakaka highblood.

Sabi nila, nag mula daw ang chicharon sa bansang espanya sa tawag na “chicharron” at gaya ng chicharon dito, pinirito rin nila ‘yon ng matagal. Ang pag kakaiba lang, mas masarap dun kasi may laman at hindi botcha. Dito naman may tinatawag na bagnet, paborito naming magkakaklase orderin ang putaheng ito. Siguro kasi masarap at ikalawa, kasama sa budget meal.

Hindi ko naging hilig yung mga pang vegetarian. Para kasing pampalubag loob. Para kang kumaen ng kanin at sinabihang “isipin mo nalang may ulam ‘yan”. Parang ganon. Parang kailangan mo pang kumbinsohin ang utak mo na “Oo karne nga ‘to”. At nakakatanga kumain nang chicharon na ipagpipilitan sayo na chicken skin flavor nga siya. Pero iniisip ko rin, ginawa ba tayo para kumaen ng karne?. Kung babalikan ang lesson sa science, tatlo ang uri ng consumer. Ang Herbivore, Carnivore at Omnivore. Tayo daw ay nabibilang sa pangatlo dahil kumakain tayo ng karne at halaman. Pero, kung iisipin, wala naman tayong mga pangil na gaya ng mga nasa leon. Wala tayong kakayahan sumakmal at humiwa ng karne nang walang tulong ng teknolohiya, hindi kaya ng sikmura natin na kumaen ng hilaw. At siguro, parte ng curiousity lang ang dahilan kung bakit tayo kumakaen ng karne ngayon. Baka naisip ng sinaunang mga tao na; “Ba’t di natin tikman yung kalabaw, masarap yon”.

Kung iisipin mo, ‘nung unang panahon kung saan hindi pa naiimbento ang apoy, ano kaya ang paboritong chicha ng mga sinaunang tao?. Insekto?. Siguro. Sa ilang probinsya sa Pilipinas, marami sa ating mga kababayan ang kumakain ng insekto. Naalala ko ‘nung bata ako. Dahil uso, bumili ako ng salagubang para talian ng sinulid at paliparin na gaya ng saranggola. Kaso nabitawan ko ang tali at dumapo sa balikat ng kapit bahay naming batangueño. Nagulat ako nang bigla niyang isubo sa bibig at nguyain. Kawawang salagubang, sa pag nanais na makalaya lalo lang nalapit sa disgrasya.

Maski sa ibang bansa uso ang pagkain ng insekto. Sa thailand, inilalako pa sa kalye na parang chicharon ang mga ito. Dati rin ay ginawang alternatibo ang isang uri ng edible worm sa karne sa pag gawa ng patty ng hamburger. Pero isipin mo uli, paano kung di nauso ang pagluluto ng karne ng hayop? malamang nagiinuman tayo ngayon na uod at kulisap ang pulutan. At malamang, walang malakas sa kung fu- kung fumulutan.

Tuwing umuuwi ako galing sa pinapasukang unibersidad, lagi akong dumadaan sa isang bilihan ng street foods at ang specialty nila, chicken skin chicharon na nagkakahalaga ng trenta pesos. Tamang tamang pamawi ng gutom, yun nga lang nakakaumay pag nasobrahan. Minsan inuuwi ko sa bahay upang iulam-dalawang mangkok ng kanin plus chicharon equals solve!.

Habang kinikwento ko ‘to, parang tumutulo tuloy ang laway ko. Muntik ko na tuloy makalimutan yung ginagawa kong assignment. Alas dos na ata ng madaling araw pero may dumaang mag babalot sa bintana at inalok ako kung bibili ako. Nakalagpas na siya ng maisip ko na nasa second floor pala ako. Shit!.

Ang init nanaman

 

ang_init_sa_pilipinas_by_demidemi-d2y2cmn.jpg

 

Heto nanaman tayo sa panahon kung saan buong buwan ang bukambibig ng mga tao ay “Ang init sh*t”. Siguro pinaparusahan na talaga tayo at ipinapatikim na sa’tin ang init ng dagat dagatang apoy dahil sa mga makakasalanang nagawa ng mga tao gaya ng pagpapakita ng cleavage sa social media. Pero Marso palang. Hindi pa ito yung kalagitnaan ng summer. Paano pa kaya sa Mayo?.
Sobrang init talaga. Kawawa naman yung mga gumagamit ng rejuvinating set, lalabas lang sila ng bahay saglit para bumili ng calamansi pero parang ibinilad na sila sa araw ng isang linggo. Yung pawis tagaktak kahit tatlong electricfan na ang nakatapat sa’yo. Yung Halo halong binili mo sa chowking, di ka pa nakakalabas ng store tunaw na. Yung mga nakakatabi mo sa jeep amoy kebab, yung iba amoy sinigang at yung iba umiiyak na yung kilikili. Gusto mo siyang sabihan na “Tara rexona tayo, masaya ‘yon” dahil mabait kang nilalang. Ang init, parang anytime pwedeng sumabog ang battery ng CP mo.

Sa mga kalsada lalo na sa EDSA, parang mababaliw ka lalo na kung ikaw pa yung nag da drive at sing igsi lang ng height ni Jenny tamayo ang pasensya mo. Kaya siguro maraming sumasalpok at nadidisgrasya sa commondeath avenue (commonwealth) kasi mainit na nga, ang init pa ng ulo ng mga driver ng bus. Sila yung mahihilig mag testing kung gaano sila ka immortal at sinasalpok ang minamaneho sa mga concrete barrier. Ang init, isabay mo pa yung mga putanginang mahihilig mag busina kahit na alam naman nilang traffic.Ang biro nga ng iba “Nagmamadali ka? paliparin mo kotse mo”.

        Ang init talaga, ang malas lang dahil sabay sa panahon ng kampanya. Nakakabadtrip pa namang makakita ng streamer ng politikong nakangiti habang pawis na pawis ka’t hirap na hirap sa paghahanapbuhay. Shit ang init talaga, kung pwede lang, hiniling mo na sa bathala na dun nalang sa mga bahay ng mga politikong corrupt tumapat ang araw.

Art by Demidemi on deviantart

Ang pag tungo’ bow

Isang pagbati na natural na sa ating mga Pinoy. Lalo na sa mga mag kakabarkada kapag nag kasalubong. Ginagawa kung saan itinataas ng kaunti ang mukha na parang nag aangas. Kung sa japan at iba pang bansa pagyuko ang paraan ng pag galang at pagbati, sa Pilipinas hindi. Kung hindi ka tutunguan, papakyuhan ka naman, at alam mo ang ibig sabihin ‘non-“kumusta? heto ka ./.”.

Gaya ng pagsitsit at pag turo gamit ang nguso, wala pang ganap na eksplenasyon tungkol dito ang mga dalubhasa. Wala pang naisulat sa kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa pag tungo. Walang nakaka alam kung saan o kung sino bang herodes ang nagpauso nito. Pero isa lang ang nasa isip ko ngayon- na tumutungo tayo kapag may nakakasalubong dahil gusto nating maging astig. Ma pride kasi tayo na mas nagagawa pa nating tumungo kesa mag “bow” o magsabi ng “uy kumusta? taba mo na aa”. ‘Nga pala, sa mga hapon, ang pag bow ay sumisimbolo ng pagpapakumbaba, at alam mo naman sa Pilipinas, ayaw ng iba satin ng ga’non lalo na sa mga kupal sa social media na imbis mag sorry nalang, e kung ano ano pang dipensa ang sinasabi maipagtanggol lang ang pinost na opinyon. Miski barbero ata ay ‘di sila kayang payukoin.