Heto nanaman tayo

Heto nanaman tayo.
Mag aaway.
Mag kakaayos.
Palagi kitang tinatanong kung nag sasawa ka na ba?.
Palagi mo ring tinatakpan ng labi mo ang labi ko tuwing itatanong ko ‘yon
sabay sabi na “Away lang ‘to”.

Minsan naguguluhan din ako.
Bakit kasi ako pa ang napili mo?
Lagi kitang nasasaktan nang di ko sadya. Pero nandyan ka pa rin.
Ikaw pa nga yung nag sosorry pag minsan ako yung may kasalanan kasi alam mong kasing taas ng mt. Everest yung pride ko. Ikaw din yung unang nag bibigay ng peace offering tuwing mag kaaway tayo- kahit ako naman talaga ang may kasalanan.

   At tuwing nag seselos ako. Pasensya na. Masyado akong possesive. Pero tinatanggal mo yung pag aalinlangan ko kapag niyayakap mo ko. Lagi mong sinasabi sakin na sakin ka lang. Sayo lang din naman ako. Sayong sayo lang. Madaming magagandang babae diyan ang pinaghihinalaan mo pero ang malas nila, hindi sila ikaw. Ikaw lang yung gusto ko. Ikaw lang.

       Kaya patagalin natin to. Hanggang sa dumating yung araw na kailangan ng bilangin sa calculator kung gano tayo katagal. Hanggang sa dumating yung araw na mamanhikan na ko sa inyo. Hanggang sa araw na haharap na tayo sa altar at lubusin ko na, hanggang sa dumating yung araw na hindi na natin kayang tumayo pa dahil sa katandaan at ikikwento sa mga magiging apo kung gano tayo kasaya at ka baliw dati.

Kwentong chalk

      Nag susulat ako ngayon dito sa kinalakihan kong lugar sa bayan ng Calasiao. Gamit ko ‘tong mongol na lapis naipinahiram ng pamangkin kong nag aaral sa elementarya, naubos na kasi yung binili kong my gel na ballpen dahil ginagamit ko sa pag do drawing. Tapos minsan pag nahuhulog sa lapag habang nagkakalase e nawawala agad kahit isang kurap lang.

     Kumalakalam na ang tiyan, pawis ang kamay panulat, may punto pang tinanong ako ng pinsan ko kung nasa tama pa ba akong katinuan dahil naka tingin lang ako sa kawalan habang nagiisip ng idea. Hindi ko siya nasagot. Ang tanging nasa isip ko lang ‘non ay ang paghuli sa mga nagliliparang salita na iaayos at isisiksik ko sa kamalayan ng mga makakabasa. Sa pag dampi ng lapis sa sinusulatan kong papel, bigla biglang may bumalik na ala ala sakin. May mga bagay talaga na parang time-machine na ibabalik ka sa nakaraan.

       Para tuloy akong estudyante ulit sa elementarya na pinapasulat ng teacher sa kwaderno. Kahit sobrang tagal na ng mga nangyare nuong elementary at highschool palang ako, parang lahat ng nakaraang ‘yon ay kahapon lang naganap at tingin ko, masarap din pala talagang mag review:

                  “Estupidyante”

       Sa totoo lang, hindi ako naging mabuting mag aaral dati. Parang gusto kong ikahiya ang dating sarili ko dahil nagawa kong i take for granted lang ang libreng edukasyon nuon. Masyado pa kasing bata ang isip ko na ang hangad lang sa isang araw ay ang matapos ang ipinapagawa ng guro sa notebook na ipapasa bukas para makapag laro na ng teks sa labas. Hindi ko man lang naisilid sa utak ko ang ibang turo na ngayon ko lang nalaman na may halaga pala talaga (Gaya ng lesson kung pano mag saing: di talaga ako marunong, swear).
       
       Ngayon medyo nag matured na ang isip ko tungkol sa mga bagay sa mundo. Maraming eskwelahan sa Calasiao ang kulang sa classroom: pero di ko naisip yun dati kahit 70 kaming estuyante ang nag sisiksikan sa isang silid. Araw araw kang makikipag agawan ng upuan, araw araw paunahan kahit ilang kilometro ang layo ng eskwelahan sa inyong bahay. Swertihan na kahit upuang walang armchair ang mapunta sa’yo. Atleast ‘di ka tatayo buong maghapon at pagkamalang pinatayo ng adviser dahil unang una sa listahan ng “Noisy”.

       Swerte na rin na hindi na namin kailangan pang tumawid ng ilog at bundok para marating ang paaralan. Kahit malayo, may mga pumapasada namang sasakyan na duon ang daan. ‘Yun nga lang, inaabot ng 1 hanggang kalahating oras ang biyahe. Sama mo na ‘don ang alikabok at pawis na matatanggap mong regalo sa biyahe. Elementary palang ‘yan. Dahil minsan magkahiwalay ang paaralan ng highschool at elementary, kaunti lang kasi ang silid aralan kaya hindi kaya ng school administrator ang magbigay ng highschool sa paaralan. Matagal nang problema ‘to ng Calasiao pero ‘di pa rin nasusulusyunan.

       Sa dami ng mga estudyanteng nag aaral taon taon, bakit parang hanggang ngayon ay problema pa rin ang kakulangan ng pondo?. Maraming mag aaral ang gustong makatapos at maka tungtong sa kolehiyo, marami sa mga gumagraduate ng highschool ay valedictorian na hindi na nag tutuloy sa kolehiyo dahil sa kakapusan, maraming nagtutuloy sa kolehiyo ang nag sasanla muna ng lupa, matinding sugal sa kanilang magulang kung makakatapos ang anak at makakuha ng magandang trabaho sa maynila (Kung mayroon man) at matubos uli ang isinanla o mag gagago lang at magiging adik sa kongkretong gubat ng maynila.

        Naalala ko, 70 kaming estudyante nuong unang pasukan. 57 lang samin ang naka upo, kasama na ‘don ang mga nakasalampak sa sahig. 42 lang ang may mga bagong notebook at gamit, ang ilan sa kanila ay pinag lumaan nalang ng mga nakatatandang kapatid. Swerte ko, kasi kahit papaano nabibilihan ako ng bagong notebook samantalang yung kaklase ko humihingi lang ng pilas ng papel para masulatan. May punto pang binilhan siya ng guro namin ng 3 notebook dahil porsigido siya sa pag aaral. 70 kaming estudyante pero ‘nung tumagal naging 52 nalang kami. At isa lang ang tinuturong dahilan-kakapusan.

     Sabi sa balita, sapat ang pondo para sa edukasyon. Pero bakit parang hindi masyadong nakararating ang pondo sa ibang lalawigan?. Kung totoong sapat amg pondo, bakit may mga documentary pa rin na nagpapalabas ng problema sa edukasyon sa bansa?. ‘Yan siguro ang kinahihinatnan ng malong prioridad.