Ang magnanakaw

Panay ang tingin sa bawat pasaherong umaakyat sa Bus. Wala pa ring mapili.
Ilang minuto na siyang sakay ng sasakyan
at tila nag dududa na ang drayber at kunduktor. Mga ilang minuto pa’y huminto ang bus sa isang estasyon sa cubao. Nag si akyatan ang mga pasahero. Aligid ang kangyang tingin. Nag babakasakaling may mahalagang gamit na maitatakbo.

Sa wakas!. Isang lalaking tisoy na may bitbit na bag na mukhang mayaman. Alam niyang mamahalin ang mga laman nito. Sa tagal ba naman niya sa ganitong trabaho, kabisang kabisa na niya ang bawat bagay na laman ng bag ng kanyang mga bibiktimahin. Lumapit siya paunti unti. Singit sa mga pasaherong nakatayo sa estribo. Maya maya’y nasa  likod na siya ng lalaki.

Huminto uli ang bus sa estasyon sa tapat ng isang mall sa EDSA . Bumaba ang ibang pasahero kasabay ng lalaking bibiktimahin. Sumabay na rin ang kawatan. Pagkababa’y hablot sa bag. Sigaw ang lalaking tisoy: “Magnanakaw!”.
Kumaripas ng takbo ang magnanakaw. Mala-palos. Gulantang ang ibang naka kita sa pangyayare. Ang iba’y naki habol upang tumulong.

Hingal ang magnanakaw habang patuloy na tumatakas. Naki habol na rin ang mga pulis at baranggay tanod. Sa pagtakas ay natalisod ang gago. Salubsob sa mga tindang pekeng relo sa bangketa. Dali-daling tumayo ang kawatan ngunit huli na. Nasa harap na niya ang mga humahabol. Pag angat ng mukha’y sabay tadyak at suntok ang inabot ng tatantado. Mga ilang suntok at tadyak pa’y dinala na ang magnanakaw sa presinto.

Sa harap ng matabang pulis na kumakaen ng donut habang nag susulat sa log book, nakaupo ang magnanakaw. Puro pasa at black eye. Kanina pa hinihintay ang lalaking tisoy na ninakawan ngunit hindi na pumunta sa presinto. Dahil sa inip, binuksan na ng isa sa mga pulis ang bag. Abot tenga ang ngiti dahil malamang sa kanila nanaman mapupunta ang laman ng bag. Pag kabukas na pagka bukas ay agad itinapon ito ng pulis sa magnanakaw at sabay sapak sa mukha.
Laman ng bag ang daang daang pekeng DVD na puro gay porn.

Takbo

AdobePhotoshopExpress_3a59cf1bf598457d9b7bbf1b26fc657b.jpg

I.
Hakbang. Hinto. Ubo.
Hakbang uli. May natapakang kung ano.
Tingin: Kalderong may lamang patay na pabo.
Tuloy ang lakad.

II.
Lakad. Lakad. Tigil.
Sa di kalayuan may anino ng kung ano.
Lapit ng kaunti. Tanaw.
May mamang may dalang itak.
Tago.

III.
Sa pag tago, natabig ang bote ng toyo na kakalatkalat.
Ngayon ang mama ay naghahanap.
Lingon lingon. Hanap doon. Hanap dito.
Maya maya’y papalapit na sa’yo.

IV.
Wasiwas ang itak habang sambit ang salitang: Nariyan nako!.
Napa mura ka sa sobrang takot:
Tang ina mo!
Karipas ng takbo. Mas mabilis pa sa alas kwatro.

V.
Kasunod pa rin ang mamang may dalang itak na mabilis din ang takbo.
Napadasal ka na sa lahat ng santo.
Takbo. Takbo. Takbo.
Duguan na ang paa sa mga tumusok na mga basag na basyo.
“Tanginang ‘to” ang sambit mo.

VI.
Lingon. Hanap. Wala na ang nag hahabol na mama.
Baka na bubog ang gago o napagod at nag pahinga na.
Pagod kana rin. Kanina ikaw ang hinahabol. Ngayon ikaw naman ang naghahabol- ng hininga.

VII.
Tumaas ang balahibo pagkaraang makarinig ng kung ano.
Sa mga nag kukumpulang halaman may nilalang na nag tatago.
Pigil ang hininga. Hintay.
Kaba. Kaba. Kaba.
Ayan na!

VIII.
Lumabas mula sa halaman ang mamang may dalang itak. Sigaw. Mura.
Nag salita ang mama.
“Sutil kang bata ka! sinabi ko bawang ang bilhin mo! hindi boy bawang! pano ko ipang gigisa ‘to! Siraulo ka!”.
Karipas ng takbo. Malayo sa amang hindi pala itak ang dala, kundi patpat pamalo.

Heto nanaman tayo

Heto nanaman tayo.
Mag aaway.
Mag kakaayos.
Palagi kitang tinatanong kung nag sasawa ka na ba?.
Palagi mo ring tinatakpan ng labi mo ang labi ko tuwing itatanong ko ‘yon
sabay sabi na “Away lang ‘to”.

Minsan naguguluhan din ako.
Bakit kasi ako pa ang napili mo?
Lagi kitang nasasaktan nang di ko sadya. Pero nandyan ka pa rin.
Ikaw pa nga yung nag sosorry pag minsan ako yung may kasalanan kasi alam mong kasing taas ng mt. Everest yung pride ko. Ikaw din yung unang nag bibigay ng peace offering tuwing mag kaaway tayo- kahit ako naman talaga ang may kasalanan.

   At tuwing nag seselos ako. Pasensya na. Masyado akong possesive. Pero tinatanggal mo yung pag aalinlangan ko kapag niyayakap mo ko. Lagi mong sinasabi sakin na sakin ka lang. Sayo lang din naman ako. Sayong sayo lang. Madaming magagandang babae diyan ang pinaghihinalaan mo pero ang malas nila, hindi sila ikaw. Ikaw lang yung gusto ko. Ikaw lang.

       Kaya patagalin natin to. Hanggang sa dumating yung araw na kailangan ng bilangin sa calculator kung gano tayo katagal. Hanggang sa dumating yung araw na mamanhikan na ko sa inyo. Hanggang sa araw na haharap na tayo sa altar at lubusin ko na, hanggang sa dumating yung araw na hindi na natin kayang tumayo pa dahil sa katandaan at ikikwento sa mga magiging apo kung gano tayo kasaya at ka baliw dati.

Sino ba ang may sakit? Ako o yung bansa?

Sabi dati sa commercial ng vitamins “Bawal magkasakit”. Siguro tama sila, lalo na kung ‘di ka naman mayaman at wala kang perang pantakbo sa Saint Luke’s. Sa panahon kasi ngayon kung saan taon taon nalang ata may nauusong bagong viru,s lalong nawawalan ka ng karapatang magkasakit. Ang hirap na nga ng buhay ginagamit pa pang sarili ng mga nasa gobyerno yung perang laan sana sa mga proyektong pangkalusugan.

Last year lang ng ibalita sa T.V ang pagtaas ng bilang ng mga na dedengue-kasama ako sa bilang na ‘yon. Dito ngayon pumapasok ang maikling kwento ng aking karanasan sa sakit na ‘yon at sa ospital na pinagdlahan sakin. Umaga ‘non nang parang mawalan ako ng ganang kumain. Tumamlay din ang katawan ko at minsan nangangatog sa ginaw kahit mainit naman yung panahon. Nung una, akala ko trangkaso lang dahil sabi ng expert kong kapitbahay, ganon daw pag trangkaso. So pinabayaan ko ng isang araw. Hanggang sa manghina na talaga yung katawan ko na hindi nako makatayo ng maayos dahil sa hilo at taas ng lagnat. Hanggang sa isang araw pagtapos kong isuka yung kinain kong spaghetti, bigla nalang nag black out yung paningin ko at bumagsak sa sahig. Pag gising ko, nakahiga nako’t naka dextrose sa isang pampublikong ospital sa lungsod namin. Itong ospital din na ‘to ang pinagdalhan sa namayapa akong ama, tiyahin, tiyuhin at lola.

Ilang minuto palang sa loob ng emergency room, parang gusto ko nang umuwi o mag palipat sa ibang ospital. Nakakatakot makakita ng mga ipinapasok sa loob ng ER na naghihingalo o naliligo sa dugo. Tapos yung mga staff ng ospital parang ‘di sila iniintindi. Yung isang itinakbo tinakpan lang ng kumot kasi wala naman yung kamag anak. ‘Di ka rin papansinin kung wala kang pambiling gamot.

Ilang oras pa ang lumipas, inakyat nako sa ward para obserbahan daw pagtapos kunan ng dugo. Ilang kama lang ang pagitan, may isang dengue patient din dun ang naka confine. Kung ano ano yung itinuturok ng duktor. Kinabukasan, yung pasyenteng ‘yon ‘di na maganda yung kalagayan. Sinabi pa ng duktor na ilipat nalang daw sa ibang ospital dahil mas gagaling daw ‘don. Nakakadurog ng puso makakita ng magulang na umiiyak dahil alam nilang sobrang nahihirapan ang anak na naka life support nung mga oras na ‘yon. Nung araw ‘din na ‘yon nagpalabas nako ng ospital at nagpalipat sa mas maayos na ospital kahit may kamahalan ang bayad.

‘Di ko lang maintindihan na sa hinaba haba ng termino ng mga nagdaang namumuno, e hindi pa rin nasusulusyunan ang kakulangan ng pondo sa mga pampbulikong ospital. Marami sa mga mamamayan natin ang nagkakasakit, marami sa kanila ang walang kakayahang bumili ng mamahaling gamot, marami sa kanila ang di nakakaranas mag pa check up isang beses isang buwan at marami sa kanila ang namamatay dahil dito.

Chicharon: Mamantikang pag-ibig

IMG_0126.JPG

Gumagawa ako ng assignment habang kumakaen ng chicharon. Ala una na pero gising na gising pa rin ang mata ko. ‘Di ko alam kung may kemikal ba ‘tong chicharon na gaya ng nasa kape at bakit parang mailap ang antok sakin ngayon. Wala naman akong insomnia. Ang alam ko, nagkakaron lang ako ng insomnia kapag hindi pa pinapatay ng kapitbahay yung wifi nila at maniwala ka sakin, ‘di ako nag da drugs.

Anyway, dati nung elementary ako, suki ako ng chicharon na nabibili sa tindahan at nakabalot sa plastic na may drawing na mojacko. Sabi ng erpat ko dati, chicharong kalabaw daw ‘yon. Galing sa balat ng kalabaw na pinirito hanggang ma toasted at maging chicharon. Lagi naming pinag tatalunang mag ama kung kalabaw ba talaga ‘yon o baboy. Pero marami palang chicharon sa mundo may chicharong baka, bulaklak at manok at karamihan sa kanila, nakaka highblood.

Sabi nila, nag mula daw ang chicharon sa bansang espanya sa tawag na “chicharron” at gaya ng chicharon dito, pinirito rin nila ‘yon ng matagal. Ang pag kakaiba lang, mas masarap dun kasi may laman at hindi botcha. Dito naman may tinatawag na bagnet, paborito naming magkakaklase orderin ang putaheng ito. Siguro kasi masarap at ikalawa, kasama sa budget meal.

Hindi ko naging hilig yung mga pang vegetarian. Para kasing pampalubag loob. Para kang kumaen ng kanin at sinabihang “isipin mo nalang may ulam ‘yan”. Parang ganon. Parang kailangan mo pang kumbinsohin ang utak mo na “Oo karne nga ‘to”. At nakakatanga kumain nang chicharon na ipagpipilitan sayo na chicken skin flavor nga siya. Pero iniisip ko rin, ginawa ba tayo para kumaen ng karne?. Kung babalikan ang lesson sa science, tatlo ang uri ng consumer. Ang Herbivore, Carnivore at Omnivore. Tayo daw ay nabibilang sa pangatlo dahil kumakain tayo ng karne at halaman. Pero, kung iisipin, wala naman tayong mga pangil na gaya ng mga nasa leon. Wala tayong kakayahan sumakmal at humiwa ng karne nang walang tulong ng teknolohiya, hindi kaya ng sikmura natin na kumaen ng hilaw. At siguro, parte ng curiousity lang ang dahilan kung bakit tayo kumakaen ng karne ngayon. Baka naisip ng sinaunang mga tao na; “Ba’t di natin tikman yung kalabaw, masarap yon”.

Kung iisipin mo, ‘nung unang panahon kung saan hindi pa naiimbento ang apoy, ano kaya ang paboritong chicha ng mga sinaunang tao?. Insekto?. Siguro. Sa ilang probinsya sa Pilipinas, marami sa ating mga kababayan ang kumakain ng insekto. Naalala ko ‘nung bata ako. Dahil uso, bumili ako ng salagubang para talian ng sinulid at paliparin na gaya ng saranggola. Kaso nabitawan ko ang tali at dumapo sa balikat ng kapit bahay naming batangueño. Nagulat ako nang bigla niyang isubo sa bibig at nguyain. Kawawang salagubang, sa pag nanais na makalaya lalo lang nalapit sa disgrasya.

Maski sa ibang bansa uso ang pagkain ng insekto. Sa thailand, inilalako pa sa kalye na parang chicharon ang mga ito. Dati rin ay ginawang alternatibo ang isang uri ng edible worm sa karne sa pag gawa ng patty ng hamburger. Pero isipin mo uli, paano kung di nauso ang pagluluto ng karne ng hayop? malamang nagiinuman tayo ngayon na uod at kulisap ang pulutan. At malamang, walang malakas sa kung fu- kung fumulutan.

Tuwing umuuwi ako galing sa pinapasukang unibersidad, lagi akong dumadaan sa isang bilihan ng street foods at ang specialty nila, chicken skin chicharon na nagkakahalaga ng trenta pesos. Tamang tamang pamawi ng gutom, yun nga lang nakakaumay pag nasobrahan. Minsan inuuwi ko sa bahay upang iulam-dalawang mangkok ng kanin plus chicharon equals solve!.

Habang kinikwento ko ‘to, parang tumutulo tuloy ang laway ko. Muntik ko na tuloy makalimutan yung ginagawa kong assignment. Alas dos na ata ng madaling araw pero may dumaang mag babalot sa bintana at inalok ako kung bibili ako. Nakalagpas na siya ng maisip ko na nasa second floor pala ako. Shit!.

Ang pag tungo’ bow

Isang pagbati na natural na sa ating mga Pinoy. Lalo na sa mga mag kakabarkada kapag nag kasalubong. Ginagawa kung saan itinataas ng kaunti ang mukha na parang nag aangas. Kung sa japan at iba pang bansa pagyuko ang paraan ng pag galang at pagbati, sa Pilipinas hindi. Kung hindi ka tutunguan, papakyuhan ka naman, at alam mo ang ibig sabihin ‘non-“kumusta? heto ka ./.”.

Gaya ng pagsitsit at pag turo gamit ang nguso, wala pang ganap na eksplenasyon tungkol dito ang mga dalubhasa. Wala pang naisulat sa kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa pag tungo. Walang nakaka alam kung saan o kung sino bang herodes ang nagpauso nito. Pero isa lang ang nasa isip ko ngayon- na tumutungo tayo kapag may nakakasalubong dahil gusto nating maging astig. Ma pride kasi tayo na mas nagagawa pa nating tumungo kesa mag “bow” o magsabi ng “uy kumusta? taba mo na aa”. ‘Nga pala, sa mga hapon, ang pag bow ay sumisimbolo ng pagpapakumbaba, at alam mo naman sa Pilipinas, ayaw ng iba satin ng ga’non lalo na sa mga kupal sa social media na imbis mag sorry nalang, e kung ano ano pang dipensa ang sinasabi maipagtanggol lang ang pinost na opinyon. Miski barbero ata ay ‘di sila kayang payukoin.

The Cavity heartbreak

Sabi nila, masakit daw iwan ng jowa. Pero LOL. Mas masakit ngipin ko.

Oo dahil umatake nanaman ang walang hiyang sakit na umaabot hanggang ulo. Naubos ko kasi ang isang balot ng green na Kitkat. Sa tagal ng inilagi ko sa mundo, ngayon lang ako nakakita at nakatikim ng Kitkat na green.

Habang nakahiga ako, unti unti kong naramdaman ang pagsakit ng ngipin ko. E saktong ka text ko si forever na galit na galit na dahil ang tagal ko daw mag reply. E paano ba naman, sobrang sakit na, yung sakit na parang tinutusok ng barrena yung ulo mo. Ngipin lang pero yung sakit hanggang ulo.

Kumuha ako ng malamig na tubig, nag tooth brush, naglagay ng asin at kung ano ano pang payo ng iksperto kong pinsan tungkol sa sakit ng ngipin. ‘Di ko namalayan na 15 message at 5 missed calls na pala ang narecieve ko. Makalipas ang ilang minuto, nawala ang sakit ng ipin. Okay na sana kaso nabasa ko ang text ni jowa;

“ayaw mo magreply aa, K. fine, break na tayo.”.